|
Mga kuwentong –bayang
walang
kamatayan
By Virgilio S. Almario
( Excerpt from the
book “ Asinta: Mga Tula at Tudla” which will be
launched on Tuesday, September 17, 6 p.m., at
the RCBC Plaza lobby, Ayala Ave., Makati City,
coinciding with the digital art exhibit opening
“ Asinta: Images and Imageries” featuring the
works of visual artist and photojournalist
Pinggot Zulueta. “ Asinta” is presented by RCBC,
Canon Marketing Philippines, Philippine Tourism
Authority, the University of Santo Tomas
Publishing House and Manila Bulletin. The
exhibit runs until Sept. 30.)
Hindi biro ng
tadhana ang tambalan ng pintor-potograpong si
Pinggot Zulueta at ng makatang si Vim Nadera sa
isang proyektong tulad ng Asinta. Matagal na
silang magkasama . Kapuwa sila nag-aral at
nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST) at
magkasabay na naglingkod sa The Varsitarian.
Nakilala ko sila noong mga estudyante pa sila
ngunit lubusang nakilala sa panahong lumilipas
ang diktadurang Marcos: si Vim nang mapabilang
sa unang pulutong ng kabataang makata sa
Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo ( LIRA) at
si Pinggot bilang potograpo at kartunista sa
Abante. Marami silang magkawangking
katangian. Kapuwa sila mahilig tumawa, bagaman
nakauungos si Vim kay Pinggot sa hilig magpatawa.
Ngunit kapuwa rin sila nagkikimkim ng masigla’t
mahirap kumupas na pag-ibig sa bayan at
pakikiramay sa api’t maralitang sektor ng
lipunan.
Sa abot ng aking
kaalaman, hindi naging kasapi ng alinmang
kapisanang aktibista sina Pinggot at Vim. Ngunit
sinimsim nila’t isinaloob ang diwa ng
aktibismong pampolitika’t pangkultura mula sa
panahon ng kanilang pagkamulat habang nag-aaral
sa UST at masigasig na nililimi hanggang sa
nakatampok na mga likha’t akda nila sa
koleksiyong ito.
Ang mga likha ni
Pinggot, lalo na, ay mistulang isang pagbabalik
sa mga mala-bangungot na larawan ng kairalan
mula sa panahon ng diktadura at Batas Militar.
Pinakatuon ng kaniyang gunita’t haraya ang
laganap na pagdarahop ng sambayanan, ang
paghahari ng karahasan, ang mabuway na
kasarinlan dahil sa patuloy na pakikialam ng
imperyalismong Amerikano, at ang mailap na
pagkakaisa ng buong kapuluan. Kaugnay ng mga
larawan ito ang pagwaldas sa kagubatan at
yamang-likas ng bansa at ang talamak na
korupsiyon sa gobyerno at pang-itaas
na saray ng lipunan.
Totoong marami
sa mga drowing at karikatura ni Pinggot ay
produkto ng magulong dalawang pangwakas
na dekada ng ika-20 siglo, kaya tampok sina
Ninoy, Tita Cory, Gringo, Fidel, Cardinal Sin sa
piling ng mga barumbarong, armalayt, kalbong
bundok, pulubi, biktima ng iba’t ibang uri ng
dahas at paglabag sa karapatang pantao, at
polusyon. Ngunit mapapansing nagbago man ang
ilan sa tauhan ay hindi nagbabago ang bisyon at
komentaryong nakapatnubay sa mga larawan ni
Pinggot ng kasalukuyan. Paulit-ulit ang pahayag.
Bakit? Sapagkat waring nasadlak
sa isang malagkit na kumunoy ang Filipinas,
nadikit sa isang panahon ng lagim at
himutok, at hindi nagbabago Sa kabila ng
nakalipas na mahigit dalawang dekada.
Nananalig ang
haraya ni Pinggot sa pagtatambad ng surreal at
groteskong piraso ng realidad at pagtutumbas na
nagdudulot ng mapapait na parikala. Sa
simbolismo ng kaniyang karikatura karaniwang
markang bungo at nakakasindak ang mukha
ng kontrabida. Gulanit, payat, hubad, at
nakapailalim ang biktima ng mga panlulupig at
abuso. Marungis lagi ang kaligiran, nag-iilap
ang kalikasan, at waring lubos
nang pumanaw ang ngiti
sa buong lupain. Ganito ang ulit-ulit na
kuwentong-bayan sa mga larawan, guhit, at
karikatura ni Pinggot Zulueta.
Ganito rin ang
katotohanang nasa puso ng mga tula at awit ni
Vim Nadera. Isang mundo itong pinamamayanihan ng
iilang mariwasa, makapangyarihan, at sinaunang
diyos-diyusan. Nasa
ilalim nila ang napakaraming dukha’t kaawa-awa
— mga nilikha ng sari-saring kamangmangan
at masalimuot na kasaysayan ng panlulupig at
panlilinlang. Sa gunita ni Vim, nagsasanib ang
mitolohiya at ang kasaysayan, ang alamat at ang
balita sa peryodiko, upang lalong tumingkad ang
katotohanan ng kaniyang komentaryo sa
kasalukuyan.
Ngunit ang pagdukal sa higit na malayong
nakalipas — sa panahon ng panitikang pabigkas at
sa nakasulat na ilang dantaon ng kasaysayan ―
ang nakapagdudulot ng lalim sa dimensiyon ng
katotohanang pangkasalukuyan na pinagsasaluhan
nila ni Pinggot. Ito rin ang nagpapatiim sa
masisteng paghahanay niya ng kakatwa't balintuna
at nakatutuwang paglalaro sa salita.
Maliwanag pagkatunghay sa Asinta na may
iisang inspirasyon ang mga larawan at mga tula
ngunit may magkaibang sinapupunan. Kung anak ng
kundiman at hibik ang mga likha ni Pinggot,
supling naman ng mapanudyong " Doon Po Sa Amin"
at mapang-uyam na "Buhay Maynila" ang mga tugma
ni Vim.
Marahil, may kaugnayan sa naturang magkaibang
temperamento ang kanilang kasalukuyang trabaho.
Isang fulltime photographer si Pinggot sa
peryodiko ― araw-araw ay taimtim na hinaharap
ang kasalukuyan sa pamamagitan ng lente ng
kaniyang kamera. Sa kabilang dako, bukod sa
isang guro sa unibersidad ay apostol ngayon si
Vim ng performance poetry ― nabibihasang
magtanghal ng katotohanan sa nakakaaliw na
paraan. Mahahalata ang kasanayang ito sa
kaniyang mga adaptasyon, hango, at panggagagad
ng mga kantahing -bayan at popular na anyo, lalo
na yaong ginamit niya sa kaniyang paghaharap sa
madla.
Isang mahirap malimutang larawan ni Pinggot ang
" Pamilyang Pinoy....Salat sa Yaman" (1989),
isang kuwadrong nahahati sa dalawang pilas. Nasa
pang-ibabang pilas ang tatlong pigura ― ang ama,
ang ina, at ang anak ― na pawang nakatingala sa
langit sa gitna ng isang walang-buhay na lupain.
May hawak na walang-lamang mangkok ang anak.
Nakabuka ang kanilang mga bibig, maaaring
humihibik o dumadasal ng biyaya. Nasa pang-itaas
na pilas naman ang hapag ng kasaganaan, mga
gulay, isda, karne, at pagkaing tila nakatinggal
sa tiyan ng ulap at ipinagkakait sa kabila ng
hibik at panalangin ng nasa pang-ibabang pilas.
Ito
kung sakali ang isang lagom ng mga walang
kamatayang kuwentong-bayan na likha ni Pinggot.
Sa ibang larawan, ipakikita pa kung paanong
dinadahas ang pinagkakaitang mag-anak na
Filipino. Sa iba pang larawan , ipakikita naman
kung paanong kinakamtan at nilulustay ng mga
lider ng bayan ang anumang biyayang dapat sana'y
pagsaluhan ng buong sambayanan. Wika nga ni Vim,
hindi lamang walang -kamatayan ang mga kuwentong
ito kundi walang katapusan din ang pagkukuwento
nito, at pasubali niya bilang tagapagsalaysay:
Balang-araw magiging lolo akong
hanggang sa tuhod ay magkakaapo
pero pag ako ay pinagkuwento--
gunitang ganito ba ay may curfew?
Isang tanong itong pasagusay at masasagot lamang
ng patuloy na pagtatanghal ng mga likha at
akdang tulad ng Asinta nina Pinggot at
Vim hanggang hindi nagbabago ang ating mundo.
Hanggang sa magbago ang ating mundo. Iyon naman
ang ating pag-asa habang tumutunghay at
nagbabasa ng ganitong aklat.
Ferndale Homes
11
Agosto 2002
|